Monday, August 26, 2013

ANG KALAYAAN: ISANG NAKAKATAKOT NA PELIKULA

"Ipapaalam ko sa mga bida ang tunay na pagkatao o pagkamulto ng pinapalaya nila galing sa balon, para may kalayaan silang pumili kung ililigtas pa ba nila ito o hindi. "
 Papalayain mo ba pa ang isang tao kung alam mong maghahasik lang siya ng kasakitan sa iba?

Sa nakalipas na mga taon, meroon akong napanood na nakakatakot na pelikulang Asiano. Ang pelikulang ito ay pumatok sa takilya dahil sa kakaiba nitong atake kumpara sa mga naungang horror films. Sa kasikatan nito, ito ay rine-make sa Estados Unidos.
 
Ang kwento ay umiikot sa isang video tape, kung saan ang mga nakakapanood nito ay namamatay at sinasabing ginagamabala ng babaing multo na makikita sa video. Dahil dito, ang mga bida ay nagsiyasat at napagalaman ang puno’t dulo kung bakit nanggulo ang multo. Sa kanilang hangarin na matahimik ang multo, pumunta sila sa isang balon kung saan pinatay ang multo. Iniligtas nila ang bangkay ng multo at inaakala ko ito na ang katapusan ng istorya.
 
Nabigla ako ng ipakita sa kwento na kaya pala pinatay ang nagmumultong babae ay dahil ito ay mapanakit ng kapwa at ito ay natural na masama. Sa ginawang pagpapalaya ng mga bida sa spirito ng multo (sa pagligtas sa bangkay nito), mas lalo itong nagkalat ng lagim – ganoon natapos ang kwento.
 
Ngayong araw na ito, ipinagdiriwang ng aking bansa ang kagitingan ng mga bayaning lumaban para sa aming kasarinlan. Sabay dito, ay mayroong isang pagtitipon na ginaganap sa kabisera ng bansa upang tahasang kontrahin ang maanomalyang pondo na ginagawang pagatasan ng mga tiwaling politico, ang Pork Barrel.
 
Nakakatawang isipin na sa dami ng nagbuwis ng buhay at sa dami ng dugong dumanak para sa kalayaan ay ganito pa ang magiging dulot nito. Ang mga gahaman sa kapangyarihan at kayamanan ay patuloy na lumalakas at mas nagiging marangya ang pamumuhay. Samantalang ang mga mahihina naman ay patuloy na nalulugmok sa kumunoy ng kahirapan at ng kamangmangan.
 
Ang kalayaan, para maging epektibo, ay kailangang ibahagi sa mga responsibleng tao lamang. Kapag ito’y ibinigay sa mga mapang-abuso, nakakatakot isipin ang posibleng mangyari dito.
 
Ito nga ba ang kalayaan na mahigit 300 taon na ipinaglaban ng ating mga ninuno sa mga  dayuhan? Kung ganito ang kalayaan na sinasariwa natin kada Araw ng Kalayaan at National Hero’s day, aba’y mas gusto ko na palang maging bihag tayo ng ibang bansa.
 
Ang kalayaan ba ay mahahalintulad sa pelikulang napanood ko? Ang mga bida ba dito ay ang mga bayaning ng nagpalaya sa isang multong di umano’y humihingi ng tulong ngunit sa totoo lang ay naghihintay lamang pala ng kalayaan upang maghasik ng lagim? Tayo ba ang multo sa pelikula ng lumaya ay mas lumala pa ang takbo ng istorya?
 
Kaya ako’y hindi nagpupugay sa mga nasyonalistikong pagdiriwang kagaya ngayon ay dahil sa huwad na kalayaan na dinaranas ng aking bansa. Ang kalayaang mas malala pa pala sa pagkagapos.
 
Yaman din lamang na kalayaan ang paksa ng paskil kong ito, kung bibigyan ako ng pagkakataong palitan ang istorya ng pelikulang napanood ko, ipapaalam ko sa mga bida ang tunay na pagkatao o pagkamulto ng pinapalaya nila galing sa balon, para may kalayaan silang pumili kung ililigtas pa ba nila ito o hindi.

No comments:

Post a Comment